Biyernes, Hunyo 28, 2013

ANG PAGBABASBAS NG IMAHEN NG BIRHEN NG BALINTAWAK


Ang rebisyong ito ay pinagsang-ayunan ng Acolytes of St. Basil (Komite ng Liturhiya ng Diyosesis ng Kabite) upang iugnay ang Imahen sa Apostolika at Katolikang katuruan na hindi nalalayo sa orihinal na teksto ng panalangin. Ito ay hindi kontradiksiyon sa unang bersiyon na inaprubahan ng Supreme Council of Bishop noong taong-1926. Ito ay hindi pa opisyal at maaaring sumailalim sa pag-apruba ng konseho.

        Marapatin Mong basbasan ang imahe ng Birhen ng Balintawak         na kung saan, ang unang pagtangis at sigaw ng kasarinlan ay naihayag. Mula kay Moses at mga propeta, hanggang kay Hesus kasama ang mga apostoles, ebanghelista at mga apolohetiko ay nangaral; na ang mamamayan ay magsumikap at mag-ukol ng kanilang yaman hanggang sa huling sentimo upang makamtan ang kalayaan ng bansa, at si Rizal ay nagkaloob ng halimbawa na ang isang makabayan ay handang mag-alay ng buhay para sa ikabubuti ng nakararami. Sa pamamagitan ng imaheng ito, ay maging inspirasyon nawa namin ang pinagpalang Birheng Maria na naghangad din ng kalayaan sa pamamagitan ng Pag-awit ng Pusong Nagpapuri sa Iyo. Ang Katipunerong Nino ay kumakatawan sa kanyang Anak na si Hesus, isang batang mandirigma; na naghangad din ng kalayaan laban sa pang-aalipin ng kasamaan tungo sa kasaganahan ng buhay sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mabuting balita sa mga dukha, nagpagaling sa mga may karamdaman, nagpakain sa mga nagugutom, nagpakasakit, namatay sa Krus para sa kanyang bayan, inilibing at muling nabuhay sa ganap na tagumpay laban sa kasalanan. Sa Ngalan Mo oh magpamahal naming Ama ng sansinukob nawa’y ang imaheng ito ay maging inspirasyon namin sa pagmamahal at pasasalamat sa Iyo, sapagkat niloob Mong Siya’y maging ina namin; kami maging banal at mapanatili ang init ng sagradong apoy ng pagkamakabayan; tunay Kang pinagpala, kaya nga’t aming inihahayag na ang Imaheng Birhen ng Balintawak ay Ina ng Diyos na si Hesus na naghahangad ng ganap ng kasarinlan. Sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesus + at sa  patnubay ng Espiritu Santo +, iisang Diyos + magpasawalang-hanggan. Amen.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento